KALUPI NG PUSO (Local Classical Poem)


KALUPI NG PUSO
Jose Corazon de Jesus.

Talaan ng aking mga dinaramdam,
Kasangguning lihim ng nais tandaan,
bawat dahon niya ay kinalalagyan
ng isang gunitang pagkamahal-mahal
Kaluping maliit sa tapat ng puso
ang bawat talata’y puno ng pagsuyo,
ang takip ay bughaw, dito nakatago
ang lihim ng aking ligaya’t siphayo.
Nang buwan ng Mayo kami nagkilala
at tila Mayo rin nang magkalayo na;
sa kaluping ito nababasa-basa
ang lahat ng aking mga alaala.
Nakatala rito ang buwan at araw
ng aking ligaya at kapighatian…
isang dapithapo’y nagugunam-gunam
sa mga mata ko ang luha’y umapaw…
Anupa’t kung ako’y tila nalulungkot
binabasa-basa ang nagdaang lugod;
ang alaala ko’y dito nagagamot,
sa munting kaluping puno ng himutok.
Matandang kalupi ng aking sinapit
dala mo nang lahat ang tuwa ko’t hapis;
kung binubuksan ka’y parang lumalapit
ang lahat ng aking nabigong pag-ibig.
Sa dilaw mong dahong ngayon ay kupas na
ang lumang pagsuyo’y naaalaala,
O, kaluping bughaw, kung kita’y mabasa
masayang malungkot na hinahagkan ka…
May ilang bulaklak at dahong natuyo
na sa iyo’y lihim na nangakatago,
tuwi kong mamasdan, luha’y tumutulo
tuwi kong hahagkan, puso’y nagdurugo.

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Apollo and Cassandra (Roman Myth Story)

The Skylight Room (Classical Short Story)